
Naniniwala si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi malayong maghain muli ang Kamara ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Pebrero 2026.
Sabi ni Ridon, ito ay sakaling panindigan ng Korte Suprema ang naunang nitong desisyon na nagdedeklara sa Articles of Impeachment laban kay VP Sara na labag sa Konstitusyon.
Binigyang diin ni Ridon na kailangang sagutin ni VP Sara ang mga alegasyon laban sa kanya na nakapaloob sa kinakaharap na impeachment complaint tulad ng isyu sa maling paggamit ng 612.5 million pesos na confidential funds at pagbabanta sa matataas na opisyal ng bansa.
Binanggit ni Ridon na sa ngayon ay nakaantabay ang Kamara sa magiging pasya ng Kataas-taasang hukuman sa motion for reconsideration na kanilang inihain.
Umaasa si Ridon na agad tatalima ang Senado at bubuhayin muli ang naka-archive na impeachment case laban sa bise presidente sakaling baliktarin ng Supreme Court ang nauna nitong desisyon.









