Manila, Philippines – Pupulungin sa susunod na Linggo ng mga executive officials ang Senado at ang Kamara kaugnay sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao.
Sa mensahe ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, sa Lunes ng hapon ang briefing ng Ehekutibo sa Senado habang sa umaga naman ng Miyerkules ang Kamara.
Sa gaganapin na sesyon sa Lunes, magmomosyon si Fariñas para i-convene ang buong Kamara bilang committee of the whole na siyang bibigyan ng briefing ng executive officials.
Lahat ng kongresista ay kailangang dumalo sa briefing kung saan pag-uusapan ang report ng Pangulo kaugnay ng mga basehan nito sa pagdedeklara ng batas militar.
Idaraos ang briefing sa session hall pero executive session ito kaya hindi ito bukas sa publiko.
Partikular na haharap sa mga mambabatas ang mga opisyal ng DILG at DND pero pinaiimbita rin ng Kamara ang mga kalihim ng DSWD, DOH, DOJ, DOT, DOTr at DTI.
Kaninang umaga ay naisumite na sa tanggapan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang kopya ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao.
DZXL558