Kamara, sa susunod na linggo pa maisusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ang 2021 budget

Sa susunod na linggo pa maisusumite ng Kamara ang pinal na kopya ng panukalang ₱4.5 trillion 2021 national budget.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, sa susunod na Linggo pa maihahatid sa lamesa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enrolled bill ng pambansang pondo.

Tinitiyak ng Speaker na nasa maayos na posisyon ang bansa sa ilalim ng 2021 national budget dahil sumasalamin ito sa commitment ng gobyerno para labanan at makabangon ang bansa at ekonomiya sa epekto ng COVID-19.


Pinuri at pinasalamatan din ni Velasco ang 21-member House contingent sa pangunguna ni Appropriations Chairman Eric Yap dahil sa matagumpay na misyon na pagkasunduin ang mga disagreeing provisions sa budget version ng Senado.

Sa ilalim ng isusumiteng pinal na kopya ng budget sa Palasyo, nakapaloob dito ang P72 billion na alokasyon para sa COVID-19 vaccines; dagdag na ₱44.8 billion para sa “Build, Build, Build” program; ₱2 billion para sa procurement ng personal protective equipment o PPE; ₱434.4 million para sa Health Facilities Enhancement Program, ₱462 million para sa Medical Health Assistance Program, at ₱100 million para sa mental health program ng Department of Health (DOH).

Tinaasan din sa ₱3.177 billion ang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan mayorya ng budget ng ahensya ay ilalaan sa mga kababayang nawalan ng hanapbuhay ngayong pandemya sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program o TUPAD.

Facebook Comments