Manila, Philippines – Inumpisahan na ng House Committee on Rules ang imbestigasyon sa maanumalyang alokasyon ng mga flood control projects ng Department of Budget and Management (DBM) sa construction firm na C.T. Leoncio Construction and Trading.
Ginaganap ngayon ang pagsisiyasat ng Kamara sa Avenue Plaza Hotel sa Naga City sa pangunguna ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr.
Humarap sa pagdinig ang may-ari ng construction firm na si Consolacion Tubuhan Leoncio pero no-show naman si Budget Secretary Benjamin Diokno sa imbestigasyon at nagpadala na lamang ng kinatawan sa pagsisiyasat.
Matatandaang lumutang ang isyung ito matapos ipatawag sa question hour si Diokno para sa mga paglilinaw sa 2019 budget.
Lumabas na ang C.T. Leoncio na isang sole proprietorship sa Bulacan ang siyang nakakuha ng P3.757 trillion flood control projects sa Sorsogon, Catanduanes, Samar, Ncr, Camarines Sur, Pangasinan, Tarlac, Batangas, Bulacan at Davao City sa ilalim ng 2019 budget.
Aalamin ng Kamara kung papaano nakakuha ng malaking proyekto ang isang maliit na kumpanya na C.T. Leoncio.
Kukwestyunin din ng Mababang Kapulungan ang P550 million infrastructure projects na inilaan sa mga balae ni Diokno sa Casiguran, Sorsogon na sina Casiguran Mayor Edwin Hamor at Sorsogon Vice Governor Ester Hamor.
Bukod pa ito sa P325 million na halaga ng ilang proyekto na inilaan din sa Casiguran na pinaghihinalaang gagamitin para sa 2019 election.