Nakahanda ang liderato ng Kamara na magbigay suporta sa mga hamon na inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Majority Leader Martin Romualdez, malinaw na inilahad ng Pangulo ang kanyang misyon kung saan kabuhayan, kaligtasan, at kaunlaran ang pinaka-prayoridad ng gobyerno.
Suportado ng Kamara ang pagbibigay proteksyon sa mga Pilipino at ang bansa sa pagkagutom at kahirapan bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ikalawa rin sa mga mensahe ng Pangulo na sinusuportahan ng Kamara ang iligtas ang buhay at makapaglatag ng mga hakbang na magpapababa sa bilang ng mga nagkakasakit ng Coronavirus.
Ikatlo, ay matiyak ang sapat na budgetary measures para sa pagpapatupad ng responsive at sustainable recovery plan laban sa pandemya.
Bilang partner din ng Ehekutibo sa nation building ay nangangako aniya ang Kongreso na aaprubahan ang mga priority legislative measures na isinusulong ni Pangulong Duterte.
Para naman kay Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, matapos na ihayag ng Pangulo sa SONA na wala munang face-to-face classes hanggat walang bakuna laban sa COVID-19, pagkakataon naman aniya ng mga telcos na ayusin at palakasin ang kanilang internet connectivity at signals.
Dahil dito, bubuhayin aniya ng Kamara ang imbestigasyon sa mga malalaking telcos na Globe at Smart para maibigay ang kongkretong plano para pagandahin ang kanilang mga serbisyo.
Aatasan din ang Department of Human Settlements and Urban Development at Department of Trade and Industry na magpatupad ng “freeze order” sa pagbabayad ng renta sa pabahay, apartments, condominiums gayundin sa mga leases sa mga pwesto ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).
Umapela din ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bigyang direktiba ang mga bangko at mga financial institutions na babaan ang interest rates sa pautang sa mga maliliit na negosyo at paglalatag ng safety nets.
Ikinatuwa naman ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang ginawang apela ni Pangulong Duterte sa pag-apruba sa mga panukala na kaniyang ini-akda, kabilang dito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE), pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR), Financial Institutions Strategic Transfer – FIST Bill, credit access para sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), regulatory relief sa mga maliliit na negosyo, satellite-based education, BFP modernization at iba pa.
Nangako si Salceda na magpupursige siya na hikayatin ang dalawang kapulungan ng Kongreso na aprubahan ang mga nasabing panukala sa lalong madaling panahon.