Sinusuportahan ng Kamara ang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang kanyang veto power para alisin ang lahat ng pork barrel insertions sa ilalim ng 2019 National Budget.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Rolando Andaya, maraming mga tanong sa 2019 budget ang nanatiling hindi pa rin nasasagot ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Kabilang aniya dito ang P75 Billion na isiningit sa pondo ng DPWH, flood control scam, maanomalyang bidding ng mg malalaking proyekto sa pamamagitan ng DBM-Procurement Service at iba pa.
Sinabi ni Andaya na dahil sa veto message na inihanda ni Sec. Diokno mananatiling walang kasagutan ang mga tanong ukol sa budget insertions ng DBM kung saan si Pangulong Duterte ang biktima.
Kaugnay nito, iaakyat ng komite ni Andaya sa Supreme Court ang veto message upang malinawan ang usapin at malaman ang mga implikasyon nito.
Samantala, ipinasapasubpoena na ng komite si Diokno dahil bigong humarap ang kalihim sa pagdinig ng komite sa ika-5 pagkakataon.
Inoobliga na si Diokno ng Kamara na humarap sa hearing patungkol sa mga isyu sa national budget at sa DBM.