Nangako si Speaker Lord Allan Velasco na mapapagtibay agad ang mga kailangang batas para sa pagbangon ng ekonomiya at ng bansa mula sa pandemya.
Sa mensahe ni Velasco sa publiko ngayong Pasko, tiniyak niya na ginagawa ng liderato ng Kamara ang lahat para makabalik ang mga Pilipino sa dating buhay.
Aniya, batid niyang hindi madali ang pinagdaraanan ng mga nawalan ng trabaho at mga mahal sa buhay dahil sa pandemya.
Kaya naman sinisikap aniya ng mga mambabatas na makatulong sa pamamagitan ng pagpasa sa mga kinakailangang batas para sa pagbangon ng bansa.
Binanggit nito ang pag-apruba sa 2021 national budget kasabay ang pangakong tatrabahuhin rin ang iba pang priority legislation ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakasentro sa pagpapalakas ng ekonomiya at COVID-19 response.
Dagdag pa sa mensahe ni Velasco sa publiko, kasama sila ng Kongreso sa pagsalubong ng Pasko na hawak ang bagong pag-asa at pangarap.