Nakaantabay ang Kongreso sa hinihintay na updates mula sa Health Technology Assessment Committee (HTAC) hinggil sa dalawang Pneumococcal Conjugate Vaccines (PCVs) sa merkado ngayon.
Pansamantalang inihinto ng Department of Health (DOH) ang vaccination program na ito kasunod ng deklarasyon ng global health experts na pareho lang ang bisa ng PCV10 at PCV13.
Sa isang virtual forum, sinabi ni Dr. Mary Ann Bunyi, Presidente ng Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines (PIDSP) na base sa natanggap nilang updates ay magkapareho nga ang dalawang bakuna kaya hinihintay na lamang nila ang desisyon ng DOH kung alin ang gagamitin para sa libreng immunization sa mga bata.
Binanggit naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na inaasahan nilang ilalabas na ng HTAC ang assessment nito ngayong linggo hinggil sa pneumococcal vaccines na gagastusan ng gobyerno ng ₱4.9 billion.
Kaugnay nito’y suportado naman ni Rep. Presley De Jesus ang open at competitive bidding process para sa PCVs.
Iginiit ng kongresista na hindi na dapat maantala ang pagbili ng mga bakuna para sa vaccine-preventable diseases.
Sa panig ni House Committee on Health Chairperson Angelina Tan, binigyang diin nito na mahalagang matiyak ang totoo at science-based information sa panahon ng pandemya lalo na pagdating sa pagbabakuna.