Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na tutulong ang Mababang Kapulungan sa giyera ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., laban sa smuggling at hoarding ng bigas at iba pang produktong agrikultural.
Pangako ni Romualdez, gagawin ng Kamara ang lahat para maproteksyunan ang interes ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sang-ayon ang speaker sa sinabi ni PBBM sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na umuunlad na ang sektor ng agrikultura.
Para naman kay Magsasaka Party-list Rep. Robert Nazal Jr., napapanahon ang hakbang ng gobyerno na habulin at sugpuin ang smugglers at hoarders.
Ikinalugod din ni Nazal ang pagpapalakas ng administrasyon sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagsuporta sa lokal na produksyon.
Nagpapasalamat naman si CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva, na bukod sa sektor ng agrikultura at paglaban sa smuggling ay binigyang-prayoridad din ni PBBM sa kanyang SONA ang infrastructure, transportation, economy, education, health at paglaban sa korapsyon.