Kamara, tiniyak ang pakikipag-ugnayan para sa clinical trials ng COVID-19 vaccines sa bansa

Tiniyak ng Kamara ang maigting na pakikipag-ugnayan para sa pagsasagawa ng clinical studies ng mga bakuna sa COVID-19 upang masiguro na makakakuha agad ng bakuna ang bansa.

Inihayag ito ni Committee on People Participation Chairman Florida Robes sa pulong ng mga kinatawan mula sa Russian Embassy sa gitna ng update ng newly-developed COVID-19 vaccine na Sputnik V.

Ayon kay Robes, makikipag-ugnayan sila sa Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST) para sa kanilang isinasagawang pag-aaral sa Phase 3 o clinical trials ng Sputnik V ng Russia.


Siniguro rin ni Robes ang patuloy na pagsasagawa ng pulong at dayalogo ng kanyang komite at ng mga stakeholders kaugnay sa pagdevelop ng COVID-19 vaccine.

Samantala sa pulong, sinabi ni Vladisav Mongush, Commercial Advisor ng Russian Embassy, na nakatakdang magsagawa ng pagbabakuna sa COVID-19 ang Russia sa kanilang mga medical frontliners sa Setyembre 15, 2020.

Iginiit din nito na ‘fake news’ ang kumakalat na ulat na nasawi ang babaeng anak ni Russian President Vladimir Putin matapos na lumahok sa clinical trial ng bakuna.

Inaasahan namang magsisimula sa Oktubre ang clinical trial ng nasabing bakuna sa Pilipinas na tatagal naman ng tatlong buwan matapos lumagda ng Non-Disclosure Agreement ang manufacturer ng Sputnik V na Gamaleya Research Institute of Epidemiology at ang Philippine Council for Health Research and Development.

Facebook Comments