Kamara, tiniyak ang suporta sa isusulong na paraan ng Senado para ma-amyendahan ang economic provisions ng konstitusyon

 

Nangako ang liderato ng mababang kapulungan na susuportahan ang isang alternatibong People’s Initiative na pangungunahan ng Senado para maisakatuparan ang pag-amyenda sa mga economic provisions sa Konstitusyon.

Ito ang nakasaad sa liham ni House Speaker Martin Romualdez kay Senate President Juan Miguel Zubiri kasunod ng paglalabas ng Senado ng manifesto na tumututol sa People’s Initiative para sa Charter Change.

Sa liham ay binanggit ni Romualdez na hinihintay ng kamara ang pag-apruba ng Senado sa Resolution of Both Houses Number 6 na mag-aamyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.


Binanggit din ni Romualdez sa liham ang bahagi ng kanyang opening statement sa pagbubukas ng sesyon nitong Lunes kung saan kanyang binigyang diin ang kahalagahan na mareporma ang Salitang Batas.

Ito ay para higit na mabuksan ang ating ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan na lilikha ng maraming negosyo, trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino.

Kasama ring inihayag ni Romualdez ang papuri sa pagkilos ni Zubiri at mga senador para maikasa ang Charter Change sa pamamagitan ng Constituent Assembly.

Facebook Comments