Kamara, tiniyak ang suporta sa pagsusulong ni PBBM na maging premiyadong destinasyon para sa pamumuhunan ang Pilipinas

Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang buong suporta ng House of Representatives sa mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang maging premyadong destinasyon para sa pamumuhunan ang Pilipinas.

Inihayag ito ni Romualdez matapos ibida ni Pangulong Marcos ang Pilipinas bilang mainam na destinasyon ng pamumuhunan sa kanyang pagharap sa Philippine Business Forum sa Berkshire Hall ng Royal Brunei Polo and Riding Club sa Bandar Seri Begawan.

Binanggit ni Romualdez na sa talumpati ni PBBM ay tinukoy nito ang malaking potensyal at benepisyo ng ugnayan ng Pilipinas at Brunei sa sektor ng agribusiness, renewable energy, at pagpapalago ng Halal industry.


Tiwala si Romualdez na ang pagkakaroon ng matatag na ugnayang pang-ekonomiya ng bansa sa Brunei ay magbubunga ng pagpasok ng mas maraming foreign investment sa Pilipinas na magreresulta sa pag-unlad at paglago ng ating ekonomiya.

Kinatigan din ni Romualdez ang pagsusulong ni Pangulong Marcos Jr., na palakasin ang ugnayan at kolaborasyon ng Pilipinas at Brunei at iba pang karatig bansa gaya ng Indonesia at Malaysia sa layuning maging masagana at umunlad at maisulong ang kapayapaan sa rehiyon.

Facebook Comments