Kumpyansa si House Secretary General Mark Llandro Mendoza na pagsapit ng pagbubukas ng sesyon sa July 26 ay mataas na porsyento na ng House secretariat, House members at mga empleyado ang nabakunahan na.
Ayon kay Mendoza, target nila na 80% na sa secretariat at employees ang nabakunahan na bago pa man ang panghuling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung susumahin, inaasahan nilang 2,000 dito ay nabigyan na ng COVID-19 vaccine.
Magkagayunman, hindi pa aniya kasama rito ang mga kongresista na kasalukuyan pang ipina-a-account ng kanyang tanggapan gayundin ang mga congressional staff.
Aminado si Mendoza na delayed ang pagdating ng in-order na bakuna kaya hindi pa mabigyan ang lahat.
Sa latest aniyang impormasyon ay sa ikalawang linggo pa ng Agosto ang dating ng COVID-19 vaccine na Novavax.
Kasama ang immediate family members ng secretariat, empleyado at congressional staff ay aabot sa 30,000 hanggang 31,000 ang mababakunahan.
Nakapagtala naman ng pinakahuling 47 COVID-19 cases ang Mababang Kapulungan.