
Siguradong aaksyunan ng Kamara ang House Joint Resolution no. 2 na humihikayat sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso na gawing transparent o ibukas sa publiko ang pulong ng Bicameral Conference Committee ukol sa panukalang 2026 National Budget.
Ayon kay House Majority Leader Rep. Sandro Marcos, aaksyunan ang nabanggit na resolusyon na nakabinbin pa sa House Committee on Rules dahil inuna nilang iprayoridad ang pagbusisi at pagpasa sa 2026 General Appropriations (GA) Bill.
Binanggit ni Marcos na kapag nagkaroon ng maluwag na oras ang Kamara ay agad nila itong pagtutuunan ng pansin at umaasang sasang-ayon dito ang Senado.
Ang Joint Resolusyon ay inihain ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de lima kasama ang mga kinatawan ng Akbayan Party-list at Dinagat Islands.










