Wednesday, March 25, 2026

Kamara, tiniyak na hindi pinapabayaan ang obligasyon at serbisyo sa mamamayan habang tinutupad ang iniatas na mandato ng Konstitusyon kaugnay sa proseso ng impeachment

Nagpapatuloy ngayon ang pagdinig ng House Committee on Justice para tukuyin kung may probable cause ang ikatlo at ika-apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang opening statement, binigyang-diin ng chairperson ng komite na si Batangas Representative Gervill Luistro na hindi napuputol ang pagtupad ng Kamara sa mga responsibilidad at serbisyo sa publiko habang tinutupad ang tungkuling iniatas ng Konstitusyon kaugnay sa proseso ng impeachment.

Diin ni Luistro, patuloy ang trabaho ng Kamara para matugunan ang kinakaharap na pangdaigdigang krisis habang isinusulong ang pananagutan ng mga lider o opisyal ng bansa.

Hindi sumipot si VP Duterte at wala ring dumating sa kanyang mga abogado.

Pangunahing binanggit ni Luistro na ginawa ng Kamara upang maibsan ang epekto sa bansa at sa mamamayan ng tumataas na presyo ng langis at mga bilihin ay ang pagpasa ng panukalang batas para maibaba ang excise tax sa produktong petrolyo at pagbuwag sa travel tax.

Ayon kay Luistro, patuloy ding tinututukan ng mga kongresista ang mga panukalang batas na makakatugon sa inflation at magpapalakas sa food security at social services.

Facebook Comments