
Tiniyak ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na ikokonsidera nito ang pahayag ng business sector para sa panukalang pagbuwag ng political dynasty sa Pilipinas.
Tugon ito ng Chairman ng Komite na si Lanao Del Sur Representative Zia Alonto Adiong sa concern ng grupo ng mga negosyante sa Pilipinas na dapat ay “genuine” ang maipapasang batas na bubuwag sa political dynasty.
Diin ni Adiong, 24 ang bersyon ng anti-political dynasty bill na nakahain sa kamara at puspusan ang public consultation na kanilang isinasagawa para makuha ang panig ng lahat ng sektor kasama ang mga negosyante.
Sabi naman ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, pinaplano din ng komite na makipagpulong sa mga kinatawan ng business sector upang matalakay na mabuti sa kanila ang panukala at makuha din ang kanilang inputs.
Hinggil dito ay aarangkada naman ngayong araw ang public consultation ng komite sa bahagi ng Mindanao at ito ay gaganapin sa University of Science and Technology (UST) Southern Philippines sa Cagayan de Oro City.










