Nangako si Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na maipapasa ng Mababang Kapulungan ngayong taon ang 20 panukalang na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Diin ni Romualdez, ito ay patunay na ang Kamara ay tunay na katuwang ng Ehekutibo sa pagpapasigla ng ekonomiya, pagtugon sa kahirapan, pagpapalakas sa serbisyong pangkalusugan, at pagbibigay ng trabaho sa mamamayang Pilipino.
Dagdag pa ni Romualdez, pagtupad din ito sa napagkasunduan sa ikalawang pulong kahapon ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na pagpasa sa 20 key administration measure bago matapos ang taong 2023.
Sa naturang pulong, ay inilahad din ni Speaker Romualdez na 6 sa 42 LEDAC bills ang kapwa naaprubahan na sa Senado at Kamara.
Ayon kay Romualdez, 27 sa nalalabing 36 na panukalang batas ang nakalusot na sa Mababang Kapulungan.