Tiniyak ni House Committee on Labor chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles na makikipagtulungan ang Kamara sa Ehekutibo para matupad ang matagal nang inaasam ng ating mga nurse na mapabuti ang kalagayan nila.
Sabi ni Nograles ito ay alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na tugunan ang mga isyu ng mga Filipino nurse tulad ng mababang sahod.
Ayon kay Nograles, maraming nurse sa bansa pero hindi napupunan ang mga health institution dahil sa iba’t ibang rason na nakita sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sabi ni Nograles, kailangang alamin ang mga dahilan at resolbahin ng Kongreso sa pamamagitan ng pagpasa ng kailangang mga panukalang batas para maisalba sa pagkapilay ang ating healthcare system.
Para kay Nograles, makakatulong din ang pribadong sektor para hanapan ng solusyon ang malaking pagkakalayo ng sweldo at benepisyo ng mga nurse sa pampubliko at pribadong ospital.
Aminado naman si Nograles na maraming ospital sa bansa ang hindi kayang magtaas ng sahod ng mga medical personnel, kaya gagawa ang Kongreso ng “workable solution” para sa interes ng lahat ng stakeholders.