Kamara, tutulong sa Local Water Utilities Administration na tugunan ang problema sa water system loss

Tutulungan ng Kamara ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na matugunan ang problema sa water system loss na posibleng makaapekto sa kampanya ng gobyerno na magtipid ng tubig at maparami ang lokal na produksyon ng pagkain sa bansa.

Tiniyak ito ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos makipagpulong sa kanya si LWUA Chairman Ronnie Ong, upang mahanapan ng solusyon ang halos 30 porsyentong taunang water system loss sa mga water districts na nasa ilalim ng ahensya.

Sinabi ni Ong kay Speaker Romualdez na nasa 29.34 porsyento ang average na nawawalang tubig sa mga water districts na nagseserbisyo sa labas ng Metro Manila.


Ayon kay Ong ito ay nasa 488 milyong metro kubiko ng tubig na mas marami pa sa kapasidad ng Angat Dam na pangunahing nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig probinsya nito

Bagamat nagulat sa dami ng nasasayang na tubig, ay kumpiyansa si Speaker Romualdez na masosolusyunan ang problema sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng water supply system.

Sang-ayon sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay inatasan na ni Romualdez ang Kamara na humanap ng paraan kung paano matutulungan ang LWUA lalo’t nataon na kanilang tinatalakay ngayon ang proposed 2024 budget.

Facebook Comments