Kamara, umaasang mabilis na mapagtitibay ang FOI Bill bago matapos ang 18th Congress

Umaasa ang isang kongresista na tuluyang mapapagtibay at maisasabatas ang Freedom of Information (FOI) Bill matapos na makalusot sa panel ng binuong technical working group (TWG) ng House Committee on Public Information ang panukala.

Ayon kay Committee on Public Information Vice Chair Ron Salo, pinuno ng binuong TWG, pinagtibay na nila ang FOI bill bunsod na rin ng apat na pagdinig na isinagawa na dinaluhan ng mga stakeholder.

Sa inaprubahang FOI Bill ng TWG Panel ay isinusulong dito ang transparency, ang pagtaas ng partisipasyon ng publiko sa decision-making ng gobyerno at pagtiyak ng public accountability.


Layunin din nitong protektahan ang mahalagang karapatan ng isang indibidwal sa “privacy of communication” habang tinitiyak naman ang “free-flow” ng impormasyon na nagtutulak ng pagbabago at pag-unlad.

Salig na rin sa mga limitasyong nakapaloob sa batas ay binibigyang karapatan ang publiko na magkaroon ng access sa official records at mga dokumento patungkol sa government transactions, decisions, o research data na ginamit sa policy development.

Bubuo rin ng FOI Commission na magsisilbing independent oversight body na may mandatong isulong at protektahan ang “right of access to information” ng mga Pilipino.

Facebook Comments