Ipinapaprayoridad ni Deputy Minority Leader Stella Quimbo na makatanggap ng booster shot laban sa COVID-19 ang mga guro.
Sa pagtalakay ng House Committee on Basic Education and Culture sa estado ng face-to-face classes, umapela si Quimbo sa Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na isa sa mga unahing mabigyan ng booster shot ang mga guro upang bigyang proteksyon ang mga mag-aaral.
Kakaiba aniya kasi ang sitwasyon ng mga guro dahil sa lahat ng mga essential worker, sila lamang ang kasama o nakakasalamuha ng mga unvaccinated na indibidwal.
Sa panig naman ng DepEd, tiniyak ng ahensya sa Kamara na gumugulong na ang pagbibigay ng booster shots sa mga guro na nag-participate sa “face-to-face classes” na kabilang sa A2 at A3 category o mga senior citizen at may comorbidity.
Ngunit para kay Quimbo, dapat lahat ng guro ay mabigyan na ng booster shots at hindi lamang ang mga nasa A2 at A3 category.
Bagama’t may vaccination na sa mga kabataan, ang mga nasa grades 1 hanggang 3 ay hindi pa pasok sa pinapayagang edad ng pediatric inoculation.