Kamara, umapela sa COMELEC na irespeto ang campaign materials na nakalagay naman sa private properties

Inihain sa Kamara ang isang resolusyon na umaapela sa Commission on Elections o COMELEC na irespeto ang karapatan ng publiko lalo na ang mga nagmamay-ari ng mga pribadong lugar kasunod ng implementasyon ng “Oplan Baklas” at iba pang batas o regulasyon na may kaugnayan sa eleksyon.

Sa House Resolution 2541, tinukoy rito ang karapatan sa “freedom of expression” o malayang pagpapahayag ng mga Pilipino salig na rin sa Konstitusyon.

Kaugnay naman sa idaraos na halalan 2022, naglabas ang COMELEC ng Resolution 10730 noong nakaraang taon ukol sa mga pinapayagang campaign materials na siyang naging basehan ng “Oplan Baklas” laban sa posters o mga kahalintulad na campaign material na hindi nakakasunod sa panuntunan ng tamang sukat at lugar na paglalagyan nito.


Magkagayunman, maraming reklamo ang natatanggap na maski ang mga materyal na pang-eleksyon na nakasabit sa private properties ay pinagbababaklas din.

Bagama’t mayroong inisyu na Temporary Restraining Order o TRO ang Korte Suprema laban sa “Oplan Baklas” ng COMELEC, binigyang-diin sa resolusyon na maituturing pa rin itong banta sa karapatan ng mga tao, anuman ang kanilang politikal na paniniwala o kinaaaniban.

Facebook Comments