Pinamamadali ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang Commission on Elections o COMELEC kaugnay sa paglalabas ng “go signal” para sa pamamahagi ng subsidiya at ayuda sa iba pang mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ang apela ng mambabatas ay kasunod ng desisyon ng COMELEC na aprubahan ang “petition for exemption” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB upang maituloy ang distribusyon ng “fuel subsidy” para sa mga tsuper at operators ng pampublikong transportasyon.
Maalala na una nang sinuspindi ng LTFRB ang programa dahil nasasakop ito ng “public spending ban” sa halalan.
Ayon kay Zarate, dapat ay bilisan din ng poll body ang pagdedesisyon ukol sa aid distribution ng Department of Agriculture o DA para sa mga magsasaka at mangingisda gayundin ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga mahihirap na pamilya.
Para kay Zarate, “long overdue” na ang ayuda at umaasa ang publiko na kaaagad aaksyon ang COMELEC dito.
Hindi aniya dapat ikunsidera ang pamamahagi ng ayuda bilang “election campaign spending” ngunit dapat ay mahigpit na mabantayan ito upang hindi magamit sa anumang partisan politics.