Kamara, umapela sa Senado na ipasa rin agad ang panukalang pagpapalawig sa Estate Tax Amnesty

Umapela si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa Senado na aksyunan at ipasa agad ang panukalang batas para sa pagpapalawig “Estate Tax Amnesty” na lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.

Payo pa ni Salceda sa Senado, subukang tapatan ang bilis ng Kamara lalo na sa pagtalakay at pagpasa sa mga “urgent” at mahalagang mga panukalang batas.

Sa House Bill 7909 ay pinapalawig ng dalawang taon o hanggang June 14, 2025 ang Estate Tax Amnesty na magtatapos sa June 14, 2023.


Diin ni Salceda, dapat ay maaprubahan ng Senado ang panukalang batas kung hindi ay mawawalan na ng panahon dahil babalik na muli ang sesyon ng Kongreso sa July 23, 2023 o sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa June 3, 2023.

Giit ni Salceda, sa pagpapalawig sa Estate Tax Amnesty ay makikinabang ang nasa 920,000 pamilyang Pilipino na pawang naapektuhan ng COVID-19 pandemic at hindi nakapag-asikaso sa kanilang estate tax.

Bunsod nito ay nanawagan din si Salceda kay Pangulong Marcos na sertipikahang urgent ang panukala upang mapabilis ang deliberasyon at pagpasa rito ng Mataas na Kapulungan.

Facebook Comments