Kamara, walang kinalaman sa People’s Initiative

Iginiit ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na ang People’s initiative ay purely civilian matter at walang kinalaman ang mga kongresista.

Tugon ito ni Romualdez sa sinabi ni Pimentel na may mga report na mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang mismong kumikilos sa pangangalap ng pirma ng mamamayan para sa People’s Initiative.

Ayon kay Romualdez, mistulang nakakakita ng multo si Pimentel at kanyang mga kapwa-senador kaugnay ng PI at sa pangangalap ng pirma kaugnay nito.


Diin ni Romualdez, walang partisipasyon ang mga congressmen sa People’s Initiative at wala rin silang ipinasang resolusyon o ikinasang pagdinig at iba pang pormal na hakbang hinggil dito.

Gayunpaman, wala namang nakikitang masama si Romualdez kung sasagot ang mga kongresista at senador kaugnay ng People’s Initiative upang maipaliwanag ito sa publiko.

Kaugnay nito ay hinikayat ni Romualdez ang mga Senador at kongresista na hayaan ang taumbayan ang magpasya kaugnay sa isinusulong na reporma sa mga economic provision ng ating Saligang Batas.

Facebook Comments