Itinuturing na biyaya sa bagong taon ni Nica Rivera ang pagsilang sa kanyang kambal na anak na lalaki noong Enero 1 sa Region 1 Medical Center (R1MC). Ang kambal na pinangalanang Calix at Kaide ay masigla at maayos ang kalagayan.
Ayon kay Nica, ang tanging hiling niya ay lumaking ligtas at malusog ang kanyang mga anak.
Ayon naman kay Dr. Hannah Camacho, Chief Resident for OB-GYN ng R1MC, isang espesyal na pagkakataon ang naturang pangyayari para sa pamilya Rivera. Bukod kina Calix at Kaide, tatlo pang sanggol ang isinilang sa nasabing ospital sa unang araw ng taon.
Samantala, sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila, itinuturing na kauna-unahang miyembro ng Generation Beta ang batang isinilang pasado alas-12 ng madaling araw. Ang sanggol ay anak ni Lea Mae Razo, isang 27-anyos na residente ng Dagupan City.
Ang pagsilang ng mga bagong buhay sa unang araw ng taon ay itinuturing na simbolo ng bagong pag-asa at panimula para sa kanilang mga pamilya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨