
CAUAYAN CITY – Isang inspirasyon ang hatid ng kambal na sina Marrie M. Calantoc at Marriane M. Calantoc na mula sa Burgos, Isabela, matapos silang sabay na pumasa sa March 2025 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) para sa secondary level.
Parehong nagtapos ang magkapatid sa Isabela State University – Roxas Campus. Si Marrie ay nagtapos sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Mathematics, habang si Marriane ay nagtapos naman sa parehong kurso na may major sa Filipino.
Ayon sa magkapatid, hindi naging madali ang kanilang paglalakbay tungo sa pagiging lisensyadong guro. Bagamat muntik na silang makakuha ng Latin honors sa kolehiyo, hindi ito natupad bunsod ng ilang hindi inaasahang pagsubok.
Sa kabila ng mga hamon, hindi bumitaw ang magkapatid sa kanilang pananampalataya at determinasyon. Ipinangako nila sa kanilang sarili na makakamit ang tagumpay sa board exam – isang pangakong kanilang tinupad ngayong taon.









