.
Naglabas ng kanyang saloobin si Senador Christopher “Bong” Go sa karumal-dumal sa kambal na pagpapasabog sa Jolo, Sulu kamakailan.
Sa kanyang Manifestation speech ay mariing kinondena ng senador ang pagpapasabog ng mga terorista sa gitna ng walang patid na pagtugon ng gobyerno sa krisis dulot ng pandemya.
“Mr. President, I echo the sentiments of Senator dela Rosa and I condemn in the strongest possible terms the terrorist bombings that occurred in Jolo, Sulu yesterday. Habang abala ang gobyerno sa pagresponde sa krisis dulot ng COVID-19, napili pa talaga ng mga teroristang ito na ngayon maghasik ng gulo” pahayag ni Go.
Ayon sa senador, nangyari ang pambobomba sa Jolo kung kailan dinidinig nila sa Commission on appointments sa senado ang hepe ng Western Mindanao Command.
“Senator Bato and I share similar experiences —first-hand experience — with terrorism in Mindanao. Davao City has been attacked several times before, such as the 2003 bombings of the old Davao International Airport and Sasa Wharf, 2005 explosion in Davao City Overland Transport Terminal, 2013 twin explosions targeting two big malls and, recently, few months into the Duterte Presidency when an explosion took place at a night market last September 2016. Kaya ako, base sa personal kong karanasan, alam ko din kung gaano kalalim ang sakit na dulot ng mawalan ka ng mahal sa buhay, mga kababayan mo, at maging paghina ng negosyo sa isang lugar dahil sa mga karahasan na ito, “ wika ni Go.
Ibinahagi pa ng senador ang kanyang personal na nasaksihan sa Sasa Wharf at sa paliparan ng old Davao international airport.
“Ako po mismo, sa Sasa Wharf at doon sa airport, ay naranasan ko rin po. Naabutan ko na nandiyan pa ‘yung mga bangkay, nasa kalye pa po. ‘Yung sa airport nga po, siguro five minutes lang po bago kami dumating ni then Mayor Duterte, pumutok ‘yung airport. Nakakalungkot,” saad ni Go.
Binigyang-diin ni Go, na sinisikap ni Pangulong Rodrigo Duterte na makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Simula pa lamang aniya ng termino ng Pangulo ay kinausap na nito ang iba’t-ibang grupo.
“Inumpisahan na po niya ang lahat para lang po maabot natin ‘yung kapayapaan sa Mindanao. Nakakalungkot na habang ginagawa natin ang lahat upang maisaayos ang ating lipunan, may mga terorista pang patuloy na inilalagay sa peligro ang buhay ng ating mga kababayan, “ wika pa ni Go.
Muli rin nanawagan si Go sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na siguraduhing mananagot sa batas ang mga responsable sa terorismo.
“I reiterate my call on all agencies of government to ensure that those responsible for these acts of terrorism are held accountable for their actions. Bigyan natin ng hustisya ang mga inosenteng buhay na nawala dahil sa walang saysay na terorismo,” saad ng senador.
Ngayon aniya na naisabatas na ang Anti-terror law ay marapat na ipatupad ng gobyerno ang batas sa layunin na malipol ang mga terorista at pinag-ugatan ng mga ito.
“We have already passed the Anti-Terrorism Law and I urge the government to properly enforce the law within its bounds against those who break it and stop terrorism at its roots,” giit ni Go.
“Panghuli, nakikiramay po ako sa mga naulila ng mga namatay, sa mga sundalong nag-alay ng kanilang buhay, at sa mga inosenteng sibilyang nadamay. In fact, plano din po naming mismong bumisita doon sa Jolo,” pagtatapos ng senador.