Manila, Philippines – Hinamon ng Palasyo ng Malacañang si Senador Antonio Trillanes IV na ituloy ang kanyang banta na maghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ng Malacañang matapos sabihin ni Trillanes na may mga foreign intelligence na tumitiktik umano sa mga kalaban ng Administrasyon.
Matatandaan na mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na nagsasabwatan ang ilang grupo na kalaban ng administrasyon at base aniya ito sa isang impormasyong mula sa ibang bansa na tumutuong sa pamahalaan at gusto pang ipa declassify ito ni Pangulong Duterte para maisapubliko.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, tiwala ang Malacanang na walang impeachment na mangyayari laban kay Pangulong Duterte.
Binigyang diin ni Roque na puro drama lamang ang gusto ni Trillanes sa sinasabi nitong paghahain ng impeachment complaint laan sa Pangulo.
Paliwanag ni Roque, ilang beses nang naghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte ang mga kalaban nito pero hindi naman umusad ang mga ito.