
Patuloy na pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra sa cybercrime kung saan patuloy na nakapagtatala ng magandang resulta ang PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa kanilang mga operasyon.
Sa kanilang datos, umabot sa 239 na mga kaso ang naisampa ng PNP-ACG, kung saan ang ilan dito ay regular filing at ang iba naman ay isinailalim sa inquest proceedings sa loob ng buwan ng Setyembre.
Samantala, sa mga isinagawa nilang operasyon, umabot sa 110 na suspek ang naaresto, kung saan ang iba ay nahuli sa isinagawang entrapment operations.
Bukod dito, nakapagpatupad din ang ACG ng 118 na cybercrime warrants at 2,689 sa aspeto ng cyber patrolling, kung saan nagsagawa sila ng monitoring para maagapan ang iba’t ibang uri ng cybercrimes gaya ng online scamming, hacking, at exploitation.
Kaugnay nito, hinikayat ng PNP ang publiko na mag-ingat sa paggamit ng teknolohiya at i-report agad ang mga insidenteng may kinalaman sa cybercrime.









