Ganap na alas singko ngayong umaga nang magsimula ang malawakan at sabayang paglilinis sa mga lugar na maaaring pamahayaan ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue dito sa Lalawigan ng Isabela.
Magugunita na nagpalabas ng Executive Order si Gov. Rodito Albano III na nagdedeklara ng special non working holiday sa Lalawigan ngayong araw upang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga mamayan nito na makiisa sa malawakang clean up drive ng pamahalaang panlalawigan bilang hakbang upang mabawasan o maiwasan ang pagdami ng mga lamok na nadadala ng sakit na dengue lalo na ngayong panahon ng tag ulan.
Una nang sinabi ng DOH Region 2 na halos pumalo sa mahigit triple ang itinaas na bilang ng mga tinamaan ng sakit na dengue nitong buwan ng Enero hanggang sa unang Linggo ng Hulyo kumpara noong nakaraang taon sa parehong buwan.
Halos lahat ng sektor ng lipunan, mga tanggapang pang pribado at gobyerno ay nakikiisa sa tinatawag na ‘Todas Dengue, Todo Na‘to na nasa ika-anim na taon nang ginagawa tuwing sumasapit ang huling Linggo ng Hulyo sa Lalawigan ng Isabela.
Umaasa naman ang mga opisyal ng Lalawigan na sa pamamagitan nito ay mapapababa ang bilang ng mga biktima ng sakit na dengue sa Isabela.