Manila, Philippines – Iikot ang magiging paguusap nila Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi JinPing sa issue ng Terorismo at iligal na droga sa kanilang bilateral meeting sa pagbisita ng Pangulo sa China sa susunod na linggo o sa April 10.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Manuel Teehankee, mangyayari ang bilateral meeting ng dalawang presidente sa Boao Forum for Asia na gaganapin sa Hainan Province na dadaluhan ng dalawang leaders.
Sinabi pa ni Teehankee na maliit ang posibilidad na pagusapan ng dalawa ang issue sa South China Sea.
Bago naman ang bilateral meeting ay sinabi ni Teehankee na magsasalita muna si Pangulong Duterte sa pagbubukas ng Boao Forum for Asia na tututok naman sa pagbabago bilang isang paraan para mapalago ang mga bansa sa Asya.
Sa Lunes naman ang nakatakdang pag alis ng Pangulo patungong China at pagkatapos nito ay dadaan pa ang Pangulo sa Hong Kong para makipagpulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at alamin ang kanilang sitwasyon doon.