KAMPANYA KONTRA DROGA | PNP, aapela sa Korte Suprema para mapalawig ang 15 araw na deadline sa pagsusumite ng case files ng 4 na libong nasawi sa war on drugs

Manila, Philippines – I-aapela ng Philippine National Police (PNP) na mapalawig pa ang 15 araw na deadline na itinakda ng Korte Suprema para isumite sa kanila ang mga case files ng apat na libong napatay sa war on drugs ng pamahalaan.

Ayon Kay PNP Spokesman Police Chief Superintendent John Bulalacao, kulang ang 15 araw para malikom nila ang lahat ng hihihinging dokumento ng Korte Suprema.

Pero hindi naman masabi ni Bulalacao kung gaano katagal na panahon ang kailangan ng PNP para makolekta ang lahat ng mga case files mula sa iba’t-ibang police regional offices.


Sinabi ni Bulalacao, ang tanging hawak ng national headquarters ay ang mga spot reports na ipinadadala ng mga iba’t-ibang regional offices sa National Operations Center.

Aniya ang mismong mga case folders na naglalaman ng kumpletong detalye ng imbestigasyon kasama na ang impormasyon ng mga suspek at police officers na sangkot sa operasyon ay nananatili sa mga concerned police units.

Siniguro naman ni Bulalacao ang kahandaan ng PNP na sumunod sa resolusyon ng Korte Suprema at ngayon pa lang ay sinimulan na nilang kolektahin ang hinihinging mga dokumento ng supreme court.

Aniya, makikipag ugnaya ang PNP Kay Solicitor General Jose Calida para sa hilingin ang extension sa deadline na itinakda ng Korte Suprema.

Facebook Comments