Manila, Philippines – Nagpatawag na ng imbestigasyon ang Philippine National Police, Internal Affairs Service (PNP-IAS) matapos makatanggap ng reklamo kung saan 70% ng kapulisan na nirekomendahan ng dismissal ay nananatili pa rin sa serbisyo.
Ayon sa PNP-IAS, para tuluyang matanggal sa serbisyo ang isang pulis, kailangang mapirmahan ng PNP Chief o ng regional commander ang dismissal order base sa kanilang rekomendasyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Ronald Dela Rosa, halos 400 pulis ang inalis sa serbisyo kung saan 167 dito ay nauugnay sa drug-related offenses.
Pero sa record ng PNP Directorate for Personnel and Records Management (PNP-DPRM) mula January 2016 hanggang February 2018, ang nasa 398 na pulis na na-dismiss ay kabilang lamang sa 1,614 na tauhan na nahaharap sa disciplinary penalty ng kasong administratibo.
Bukod sa drug-related offenses, nasasangkot din ang mga pulis sa Absence Without Leave (AWOL), kidnapping, murder, rape, homicide, parricide at alleged arrest o detention.
Nasa 1,000 pulis naman ang pinatawan ng parusa tulad ng demotion, suspension, reprimand, restriction at salary forfeiture.
Sa ngayon, aabot na sa higit 14,500 kasong administratibo ang naimbestigahan ng PNP-DPRM kung saan higit walong libo kaso na ang naresolba.