*Ilagan City, Isabela- *Patuloy pa rin ang isinasagawang kampanya kontra iligal na droga at pamimigay ng mga flyers sa mga Ilageṅo ang PNP Ilagan City bilang pagpapaalala hinggil sa mga nangyayaring krimen at insidente dito sa ating bansa.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Police Senior Supt. Rafael Pagalilauan, ang hepe ng PNP Ilagan na kasalukuyan pa rin ang kanilang pagpapa-alala at pagpapakalat ng mga flyers sa kanilang nasasakupan lalo na umano sa mga kabataan upang mabigyan ng kaalaman ang mga mamamayan para makaiwas sa anumang uri ng krimen.
Nagkaroon na rin umano sila ng pagpupulong at symposium sa mga eskwelahan upang paalalahanan ang mga estudyante hinggil sa pag-iwas sa iligal na droga, sa cyber bullying at iwas-rape tips.
Pinaalalahanan pa ni PSSupt. Pagalilauan ang lahat na huwag umanong agad magtiwala at makipagkita sa hindi kakilalang tao.
Samantala, inihayag rin ni PSSupt. Pagalilauan na malayong mga pulis ang mga nanloob kamakailan sa metrobank sa Tuguegarao City dahil sa suot pa lamang umano ng mga ito ay hindi tugma at hindi kumpleto ang mga suot ng mga suspek na nagpanggap bilang mga pulis.