Kampanya laban sa abusadong paggamit ng wang-wang, pinapabuhay ni Senator Lacson

Pinapabuhay ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kampanya laban sa mapang-abusong paggamit ng wang-wang o sirena na mahigpit na ipinatupad noon ni dating Pangulong Noynoy Aquino III.

Kaugnay nito ay ipinaalala ni Lacson sa kapulisan ang responsibilidad na hulihin ang mga umaabuso sa wang-wang na nakakaabala sa publiko lalo na kung hindi otorisado ang gumagamit.

Pinayuhan ni Lacson ang Philippine National Police (PNP) na obserbahan din ang mga ambulansiyang gumagamit ng wang-wang dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay pasyente ang sakay ng mga ito.


Bukod sa PNP, kinalampag din ni Lacson ang ibang ahensiya gaya ng Department of Trade and Industry (DTI) para suriin ang mga tindahan na ilegal na nagbebenta ng wang-wang, kasama ang Banaue sa Quezon City.

Pinayuhan naman ni Lacson ang publiko pati ang netizen na maging alerto at agad i-report ang makikitang hindi otorisadong gumagamit ng wang-wang.

Sa ilalim ng Presidential Decree 96 noong 1973, mahigpit na ipinagbabawal sa mga may-ari ng mga pribadong sasakyan na magkabit at gumamit ng wang-wang at blinker o kahalintulad na flashing device.

Facebook Comments