Kampanya laban sa cronyism, muling inilunsad ng August Twenty-One Movement

Muling inilunsad ng August Twenty-One Movement (ATOM) ang Anti-Cronyism Movement o ACRONYM, isang kampanya na unang isinulong ng nagtatag ng grupo na si Reli German noong panahon ng Martial Law.

Layunin ng inisyatibong ito na bigyang-pansin at tugunan ang patuloy na suliranin ng korapsyon sa pamahalaan, partikular na ang mga opisyal ng gobyerno at kanilang mga kaalyado na umaabuso sa pondo ng bayan.

Sa isang pahayag, sinabi nina ATOM Vice Chair Mildred Juan at President Voltaire Bohol na ang muling pagbuhay sa Anti-Cronyism Movement ay nagpapakita ng pagpapatuloy ng misyon ng grupo na labanan ang malalim na nakaugat na katiwalian at maling paggamit ng kaban ng bayan.

Isa rin sa kanilang layunin ay mapanagot ang mga sangkot na nasa likod ng pagwaldas ng pondong nakalaan sana para sa pabahay, pagkain, at pangunahing serbisyo ng pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.

Sinabi naman ni Juan, susuportahan ng grupo ang mga inisyatibong naglalantad at nagdadala ng kaso laban sa katiwalian.

Sa muling paglulunsad ng Anti-Cronyism Movement, sinabi ng mga lider ng ATOM na nais ng grupo na ipagpatuloy ang kanilang pamana ng aktibong pakikilahok sa lipunan.

Facebook Comments