Nagkasundo ang House of Representatives at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hulihin ang mga sasakyan na gumagamit ng expired o pekeng protocol plate na ‘8’ na para sa mga kongresista.
Sabi ni House Secretary General Reginald Velasco, nabuo ang naturang kasunduan sa pulong ng mga opisyal ng Kamara at MMDA sa pangunguna ng chairman nito na si Atty. Romando Artes makaraang mahuli ang isang sasakyan na may plakang ‘8’ na dumaan sa EDSA bus lane.
Diin ni Velasco, tiniyak ng liderato ng Kamara ang pagpapatupad sa tama at umaayon sa batas o patakaran na paggamit ng vehicle identification plates.
Bunsod nito ay pinapasauli na ni Velasco, ang mga lumang protocol plate na ‘8’ na iniisyu ng mga nakaraang kongreso dahil tanging ang kasalukuyang mga mambabatas lamang ang pwedeng gumamit nito.
Ayon kay Velasco, hindi dapat kunsintihin ang iligal o maling paggamit ng mga special plates dahil maari itong magdulot ng kapahamakan sa publiko at makasira sa integridad ng vehicle registration system.