*Tuguegarao City-* Kasalukuyan na ang pamimigay ng impormasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Tuguegarao Branch dito sa rehiyon dos upang paalalahanan at mabigyan ng kaalaman ang mga mamamayan hinggil sa bagong disenyo ng barya ngayong taon.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Deputy Director ng BSP Tuguegarao Branch Susie Fiesta, na nagpapalit umano sila ng mga barya upang maiwasan ang pamemeke ng pera kung saan mayroon na itong security features ngayon.
Aniya, mayroon na lamang anim na klase ng barya na kinabibilangan ng sampung piso, limang piso, isang piso, dalawampu’t limang sentimo, limang sentimo at isang sentimo.
Magkakapareho na rin ng kulay ang mga bagong barya, wala ng butas ang mga sentimo at magkakaiba na lamang ng laki ang mga nasabing barya.
Pwede pa umanong magamit ang mga lumang barya ngayon dahil wala pa umanong opisyal na desisyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas kung kailan hindi na pwedeng gamitin ang mga lumang barya.
Paalala naman ni ginang Fiesta na tignang mabuti ang mga hinahawakang pera upang hindi mabiktima sa mga pekeng pera.