Kampanya ng Bureau of Immigration laban sa human trafficking, tuloy kahit may pandemic

Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) na patuloy pa rin ang kanilang kampanya laban sa human trafficking sa kabila ng patuloy na laban sa COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente kasabay ng pagdiriwang ng World Day Against Trafficking in Persons ngayong araw.

Aminado si Morente na bumaba ang mga insidente ngayon ng human trafficking kasunod na rin ng travel restrictions palabas ng bansa.


Gayunman, naka-alerto pa rin aniya sila dahil posibleng naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga sindikato.

Sinabi ni Morente na inatasan na niya ang lahat ng Immigration personnel na maging mapagmatyag at maging mas mahigpit sa pag-screen ng mga papaalis na pasahero.

Ang Pilipinas aniya ay nananatiling nasa Tier 1 ranking ng 2019 Trafficking in Persons report ng US State Department.

Nangangahulugan aniya ito na naabot ng gobyerno ng Pilipinas ang minimum standards para mapigilan ang human trafficking.

Facebook Comments