Nakiisa ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa kalinga at inisiyatiba para sa malinis na bayan na kampanya ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD – NCR).
Kasunod ito ng Nationwide Clean Up Drive na ikinasa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Office of the President na layong hikayatin ang mga mamamayang Pilipino na maging responsable para sa malinis at maayos na kapaligiran.
Ayon sa DSWD, target ng proyekto na mahikayat ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang serbisyo at programang may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Paliwanag ng DSWD, ang kalinisan drive activities ay sabay-sabay na isinagawa sa lahat ng barangay sa buong bansa at inaasahang magpapatuloy sa susunod na taon.
Gagawaran naman ng quarterly ang pinakamalinis na barangay sa bawat lungsod sa ilalim ng Recognition System ng DILG.