Pinaigting ng Department of Health (DOH) ang kampanya para sa ligtas at malusog na pagbiyahe ngayong kapaskuhan sa paglulunsad ng “BiyaHealthy,” na layong maiwasan ang mga aksidente sa kalsada at mabawasan ang panganib ng pagkalat ng sakit habang dumarami ang mga biyahero.
Ayon sa DOH–Ilocos Center for Health Development, mahalagang unahin ng mga motorista at pasahero ang kaligtasan at kalusugan, lalo na sa inaasahang pag-uwi ng mga pamilya at pagdagsa sa mga pasyalan.
Ilan sa mga paalala ng DOH para sa mga motorista ang pagsuri sa kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe, sapat na pahinga bago ang mahabang biyahe, pag-iwas sa pag-inom ng alak, hindi paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, at mahigpit na pagsunod sa mga batas-trapiko.
Para naman sa mga pasahero, hinihikayat ang pagsunod sa mabuting gawi sa kalusugan tulad ng pagsusuot ng face mask sa mataong lugar, madalas na paghuhugas ng kamay, at pagdadala ng tubig, meryenda, at basic first aid kit.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ang publiko na manatiling kalmado at mapagpasensya sa gitna ng mabigat na trapiko upang maiwasan ang stress at mga insidenteng dulot ng init ng ulo.
Muling iginiit ng DOH na ang ligtas at malusog na pagbiyahe ngayong kapaskuhan ay pananagutan ng lahat.









