Opisyal nang nagsimula ngayong araw ang campaign period para sa 2022 national elections.
Bibigyan ng tatlong buwan o hanggang Mayo 7 ang mga kandidato para ipresenta ang mga plataporma at hikayatin ang mga botante na suportahan sila sa halalan sa Mayo 9.
Sa kaniyang balwarte sa Camarines Sur magsisimula si Vice President Leni Robredo kasama ang running mate na si Senator Kiko Pangilinan at magkakaroon ng caravan ngayong umaga bago ang proclamation rally sa Plaza Quezon sa Naga City mamayang alas-6 ng gabi.
Sa Philippine Arena naman sa Sta. Maria, Bulacan idaraos ang proclamation rally ni dating senador Bongbong Marcos Jr. mamayang hapon kasama ng kaniyang vice presidential candidate na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Habang sa Cavite na balwarte ni senator Ping Lacson naman magdaraos ng proclamation rally ang Lacson-Sotto tandem kung saan magsisimba muna sila sa Imus Cathedral mamayang alas-3:30 ng hapon bago ang proclamation rally alas-5 ng hapon sa Imus grandstand.
Sa General Santos City magsisimula ang kampanya nina Senator Manny Pacquiao at BUHAY Party-List Rep. Lito atienza mamayang alas-3 ng hapon.
Alas-5 naman ng hapon magsisimula ang proclamation rally nina Manila Mayor Isko Moreno at Doc Willie Ong na gaganapin sa Kartilya ng Katipunan sa lungsod ng Maynila.
Samantala, sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City napili ni Ka Leody de Guzman na umpisahan ang kaniyang kampanya kasama ng ka-tandem na si Walden Bello at idaraos ito alas-6 ng gabi
Bukod sa mga nabanggit, kandidato rin sa pagkapangulo sina Ernesto Abella, Norberto Gonzales, Jun Montemayor at Faisal Mangondato