Iginiit ng pamunuan na Department of Education (DepEd) na magpapatuloy pa rin ang kanilang kampanya sa paghikayat sa mga mag-aaral na hindi pa nakapagpa-enroll para ngayong pasukan.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, kahit nalagpasan nila ang kanilang target na bilang ng enrollment ngayong taon, hindi umano sila titigil sa paghikayat sa mga magulang at bata na magpa-enroll para sa School Year 2020-2021.
Aniya, tatanggap pa rin ng late enrollees ang lahat na pampublikong paaralan ng bansa hanggang November 21, 2020.
Payo ni Briones sa mga magulang na gusto pa rin ipa-enroll ang kanilang mga anak, na ngayon pa lang ay ipa-register na ang kanilang mga anak at huwag na paabutin sa huling araw na itinakda para sa pagtanggap ng late enrollees.
Dagdag pa ng kalihim, bumalik na sila sa pag-aaral, dahil hinintay lang sila ng mga guro at nandito naman aniya ang DepEd para magbigay supporta sa kanila.
Unang sinabi ni Secretary Briones na ligtas ang mga mag-aaral ngayong pasukan sa kabila ng pandemya dahil sa pinapairal sa distance learning.