Kampanya sa war on drugs, resulta ng pagbaba ng crime rate sa Metro Manila

Manila, Philippines – Ipinagmalaki ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar ang pagbaba ng crime rate sa Metro Manila sa 21%.

Ayon kay Eleazar, malaking factor ng ibinaba ng crime rate sa Metro Manila ay ang maigting na kampanya kontra iligal na droga.

Paliwanag ni Eleazar, karamihan sa mga nagagawang krimen ay may kinalaman sa illegal drugs at ang paglaban dito ng gobyerno ang isa sa dahilan ng pagbaba nito.


Sa loob aniya ng unang 30 buwan ng Duterte administration, mahigit sa 54% ang ibinaba ng krimen kumpara sa unang 30-month-period ng nakaraang administrasyon.

Ang index crime rate sa Metro Manila ay bumaba sa average na 9 crimes kada buwan sa 2018 kung ihahambing sa 12 crimes sa kada buwan noong 2017.

Kaugnay dito ay bumaba sa 27% ang crime against persons, 17% naman sa crimes against property habang 52% naman ang ibinaba ng mga kasong murder.

Mula sa 1,542 murder cases noong 2017, bumaba sa 738 ang kasong murder nitong 2018.

Bumaba din sa 53% o 400 ang kaso ng motorcycle-riding-in-tandem mula sa 853 noong 2017.

Umaasa si Eleazar na magtutuloy-tuloy ang improvement o ang pagbaba pa ng husto ng krimen sa Metro Manila ngayong 2019.

Facebook Comments