Nakahanda na sina Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III para humarap sa libo-libo nilang mga tagasuporta bukas (Martes) para sa kanilang inaabangang proclamation rally na gaganapin sa Imus Grandstand, Imus City, Cavite.
Sina Lacson at Sotto ay tumatakbo bilang presidente at bise presidente para sa Halalan 2022, at sa Pebrero 8 magsisimula ang opisyal na panahon ng kampanya para sa bawat kandidato na naghahangad na maging isang halal na opisyal sa pambansang antas sa paparating na eleksyon sa Mayo 9.
Ang Cavite ay ikalawang vote-rich province sa Pilipinas na tinatayang may mahigit 2.15 milyong rehistradong botante. Ito rin ay balwarte ni Lacson na isinilang at lumaki sa Imus City. Kaya naman sa kanilang mga nakalipas na pagtakbo bilang senador, tagumpay siya at si Sotto na makuha ang solidong suporta ng mga Caviteño.
Bago ang kanilang talumpati sa Imus Grandstand, dadalo sa misa sina Lacson at Sotto sa Imus Cathedral. Naging abala ang dalawa sa kanilang mga tungkulin sa Senado nitong mga nakaraang linggo, ngunit ngayon ay handang-handa na silang itodo ang kampanya matapos mag-adjourn ang ika-18 Kongreso para sa panahon ng halalan.
Inaasahang dadalo rin sa Lacson-Sotto proclamation rally ang mga miyembro ng kanilang senatorial slate kabilang sina retired police Gen. Guillermo Eleazar, public health advocate Dra. Minguita Padilla, at dating Makati Rep. Monsour del Rosario na tumatakbo sa ilalim ng Partido Reporma.
Tinatayang aabot sa 4,000 mga tagasuporta ng tambalang Lacson-Sotto at kanilang mga kaalyado sa pulitika ang magtitipon-tipon sa lugar, kasama rin ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cavite at mga kalapit na probinsya, na nagdeklara na ng kanilang matibay na pagsuporta para sa tandem.
Ang mga public health at safety protocols ay mahigpit na ipatutupad sa Imus Grandstand gaya ng social distancing, pagsusuot ng face masks, at rapid antigen testing kung kinakailangan, alinsunod sa rekomendasyon ng mga awtoridad dahil sa patuloy na pandemya ng COVID-19.
“We will strictly adhere to the Alert Level 2 health protocols in my home province. It is called DISCIPLINE,” bahagi ng pahayag ni Lacson sa isang tweet nitong Linggo ng gabi, kung saan kinumpirma niya ang gaganaping proclamation rally sa Pebrero 8.
Ang Lacson-Sotto tandem ay suportado ng tatlong political party sa bansa—ang Partido Reporma, kung saan chairman si Lacson; Nationalist People’s Coalition na ang chairman ay si Sotto; at ang National Unity Party na pinamumunuan naman ng kanilang campaign manager na si dating Interior Secretary Ronaldo Puno.
Iniaalok nina Lacson at Sotto sa mga botante ang kanilang 83-taong pinagsamang karanasan sa serbisyo publiko, pagsusulong sa mga plataporma ng mabuting pamamahala at paglaban sa korapsyon, na matagal nang bahagi ng kanilang mga adbokasiya.
Sa Senado ginugol ng mga batikang mambabatas ang kanilang mahabang karera sa pulitika. Natatangi sila sa ibang mga kandidato pagdating sa talino, karanasan, integridad, track record, at abilidad kaya silang dalawa lamang ang nakikitang may kakayahang makaresolba sa mga umiiral at papausbong pang mga problema ng bansa.
Ang pinakalayunin ng tambalang Lacson-Sotto para sa bayan ay maibalik muli ang tiwala ng publiko sa pamahalaan na nawasak sa mga nakalipas na taon, tulad ng kanilang mensahe sa simula pa lang ng pag-anunsyo ng kanilang kandidatura na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”