Mas naging mahigpit ngayon ang National Headquarters ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Ito ay matapos na kumpirmahin ng liderato ng AFP na may isa silang Senior Officer at asawa nito na nagpositibo sa 2019 Coronavirus Disease o COVID 19.
Sa isang statement, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Filemon Santos Jr., tanging dalawang gates lang ang nakabukas sa Camp Aguinaldo para sa mga papasok at lalabas para mahigpit nilang matutukan ang galaw ng mga tao sa loob.
Nagdagdag na rin sila ng Thermal Scanners para mabilis na malaman ang body temperature ng mga papasok at lalabas ng kampo.
Kaugnay nito, maglalabas din ng guidelines ang tanggapan ng Deputy Chief of Staff for Personnel o J-1 para sa work from home status ng mga civilian employees ng AFP habang kailangan namang manatili sa kampo ang lahat ng uniformed personnel upang hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.
Suspendido naman ang operasyon ng golf course sa loob ng Camp Aguinaldo, AFP Finance Center at iba pang financial institution na makikita sa loob ng kampo.
Maging ang religious services sa kampo ay pansamantala munang itinigil.