Inihahanda ng kampo ng mga biktima ng Maguindanao massacre ang bagong petisyon laban sa 50 sangkot sa karumal-dumal na insidente.
Kabilang dito ang mga nagtakip sa krimen, kung saan ilan sa mga ito ay abogado at kaalyado sa pulitika ng mga ampatuan.
Ayon kay Atty. Nena Santos, isa sa mga abogado ng prosekusyon – kahit umapela at umabot pa sa Korte Suprema ang mga nahataluan ay liyamado pa rin ang panig ng mga biktima sa legal na bakbakan.
Mungkahi ni Santos na magkaroon ng special division na hahawak sa mga apelang may kaugnay sa massacre para mapaikli ang mga panahong gugugulin sa pagdinig.
Nanghihinayang naman ang mga abogado sa pagkakaabswelto sa isa sa mga akusado na si Datu Sajid Islam Ampatuan.
Sa pahayag ng mga testigo, dumalo si Sajid sa pagpaplano sa pagpatay kay noon ay Buluan vice mayor at ngayon ay Maguindanao Rep. Toto Mangudadatu pero wala namang naging kontribusyon.
Pero iginiit ni Atty. Santos na maituturing na ‘neglect of duty’ ang paghuhugas-kamay ni Sajid.
Naniniwala rin ang kampo ng mga biktima na hindi dapat makabalik sa serbisyo ang mga napawalang-salang pulis.
Bago ito, kinumpirma ni PNP spokesperson Brigadier General Bernard Banac na 17 sa 36 na pulis ang otomatikong makakabalik sa serbisyo.
Sa ngayon, mayroon pang 80 sangkot sa Maguindanao massacre ang patuloy na tinutugis.