Kampo ng mga opisyal ng DPWH-MIMAROPA na sangkot sa maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro, itinangging ghost project

Mariing itinanggi ng kampo ng mga akusadong opisyal ng Department of Public Works and Highways-MIMAROPA na ghost project ang ginawang road dike sa Najuan, Oriental Mindoro.

Ayon sa Lim and Yutatco-Sze Law firm na silang nagrerepresenta sa 7 sa 9 na akusado na halos tapos na umano ang konstruksyon ng proyekto sa nabanggit na lugar.

Nanatili rin umanong matibay at nagagamit ang naturang proyekto sa kabila ng ilang bagyong tumama sa Oriental Mindoro.

Samantala, sa inilabas na pahayag ng law firm, nakasaad na kusang sumuko ang kanilang mga kliyente na sina Engr. Gene Ryan Alaurin Altea, Ruben Santos Jr., Dominic Gregorio Serrano, Juliet Calvo, at Lerma Cayco sa Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame nitong Nobyembre 23.

Naghahanda rin umanong sumuko si Engr. Abagon Dennis Abagon noong umaga ng parehong araw.

Habang umalis naman ng bansa si Montrexis Tamayo papuntang Israel noong November 17 para dumalo sa religious pilgrimage may hawak na travel authority na ipinagkaloob ni Secretary Vince Dizon.

Nang malaman ang inilabas na warrant of arrest laban sa kaniya, kusa siyang sumuko sa Philippine Embassy sa Tel Aviv noong Nobyembre 25.

Agad siyang bumalik sa bansa gamit ang sariling gastos, kahit na nakatakda pa sana silang umuwi ng kanyang pamilya sa Nobyembre 29.

Facebook Comments