Kampo ng NPA sa Echague Isabela, Nakubkob ng Militar!

Echague, Isabela – Nakubkob ng militar kahapon ang kampo ng News People’s Army o NPA sa bulubunduking bahagi ng Barangay San Miguel, Echague, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Army Captain Jefferson Somera, ang Division Public Affairs Officer ng 5th Infantry Star Division Philippine Army na may mahigi’t kumulang na benteng miyembro ng NPA sa kanilang kampo ang nakasagupaan ng mga sundalo ng 95th. Infantry Battalion sa ilalim ng 502nd. Brigade.

Aniya tumagal ng dalawang oras ang naging sagupaan ng magkabilang grupo pero wala namang naitalang nasugatan sa panig ng militar.


Ngunit malaki umano ang paniniwala ng militar na may mga nasugatang miyembro ng NPA at ito parin ang kasalukuyang inaalam kung saan ay isinasagawa na ang clearing operation sa naturang lugar.

Sinabi pa ni Captain Somera na nakuha ng 95th.IB mula sa kampo ng NPA ang limang M16 riffles, dalawang bandoleers na may bala ng M16, dalawang riffle grenades, tatlong Improvised Explosive Device, apat na detonating cords, pitong blasting caps, isang handheld radio, isang chain saw, pitong backpacks na may lamang personal na gamit, dalawang cell phones, mga gamot at medical paraphernalias at mga subhersibong mga dokumento.

Samantala ang matagumpay umano na pagkakakubkob ng militar sa kampo ng NPA ay bunga ng magandang relasyon na ng militar at mamamayan sa bayan ng Echague at ito’y magiging inspirasyon umano ng kasundaluhan na lalong paigtingin ang pagresolba ng problema sa terorismo sa kanilang nasasakupan.

Matatandaan na sumuko kamakailan ang tatlumpu’t siyam na militia ng bayan at supporters ng NPA sa parte ng Ifugao.

Facebook Comments